Bayombong, Nueva Vizcaya – Tinangay kahapon ng isang babae ang lalaking sanggol na apat na oras pa lamang na naipapanganak sa Regional Veterans Hospital ng Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Jolly Villar, Deputy Chief of Police ng Bayombong Police Station, na ayon umano sa ina ng sanggol na si Pearl Marjorette Sagario, isang babae ang lumapit sa kanya sa loob ng ospital at nag-alok na ilabas ang kanyang anak upang maarawan, ngunit ilang oras na ang lumipas ay hindi pa rin bumabalik ang babae.
Kaagad naman na nagreport sa pulisya ang ama ng sanggol na si Loreto Asuncion at ipinaabot agad ng PNP Bayombong sa ibang police station ang diskripsyon ng babae at ang batang tinangay nito.
Namataan naman agad ang babae na buhat nito ang sanggol at kaagad na naaresto ng mga kapulisan ng Solano Police Station sa national highway ng Solano, Nueva Vizcaya.
Nagpakilala umano ang babae na si Jennylyn Bumanghat, walang asawa at residente ng Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya.
Sinabi pa ni Senior Inspector Villar na patuloy pa rin ang imbestigasyon kay Bumanghat dahil sa paiba-iba umano ang sinasabing pangalan at pangalan ng kanyang mga kapatid, maging mga kaibigan nito.
Ayon pa kay Deputy Villar, maari umano na isang modus ng pagtangay at pagbenta ng mga sanggol ang kinabibilangang grupo ni Bumanghat.
Sa ngayon ay nakakulong na si Bumanghat at kasong kidnapping ang nakahandang haharapin nito, samantala ang sanggol ay nasa kamay na ng kanyang mga magulang.