Hiniling ni Senator Alan Peter Cayetano sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) na silipin ang natuklasan niyang bagong ‘parking scheme’ ng pondo na nangyayari sa mga departamento, siyudad, munisipalidad at maging sa mga congressional districts sa bansa.
Sa pagdinig ng 2023 National Expenditure Program (NEP), sinabi ni Cayetano na sa tingin niya ang DBCC ang pinaka-‘unbias’ na sumilip sa problema kaugnay sa nagbalik na “parking” ng pondo sa mga proyekto.
Ibinulgar ni Cayetano, karaniwan ang mga proyekto na ginagamit sa scheme ay sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan ilalagay ang pondo sa isang distrito o departamento at mayroon agad na nakatalagang contractor.
Aniya, sampung distrito ang kaniyang sinuri sa ilalim ng 2023 NEP na nabawasan ang pondo ng mahigit 500 million hanggang 12.3 billion.
Sa pulong balitaan naman ay sinabi ni Cayetano na posibleng may ‘tag team’ o sindikato na gumagawa ng mas pinalawak na ‘parking scheme’.
Mayroon na aniya siyang isang nakausap na dinagdagan ang pondo pero ang kapalit ay may sariling contractor at mayroong nagmamay-ari ng proyekto at dalawa hanggang tatlo na nakausap niya na pinanagkuan na ibabalik ang mas malaking budget pero may contractor na agad na naka-assign sa proyekto.
Susulat si Cayetano kay Senate President Juan Miguel Zubiri bilang Chairman ito ng Commission on Appointments para mabusisi at direktang matanong si DPWH Sec. Manuel Bonoan sa isyu.