Cauayan City, Isabela- Nakatakda nang buksan sa publiko ang bagong Acute Stroke Unit at Animal Bite Center ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa ika-15 ng Pebrero, 2021 sa lungsod ng Tuguegarao.
Ang Acute Stroke Unit ay bubuuin ng sampung (10) Neurologist kabilang ang isang Child Neurologist kung saan magkakaroon ang nasabing pasilidad ng walong (8) bed capacity.
May walo (8) hanggang sampung (10) Nurses naman ang sumailalim sa training na tutugon sa pagbibigay ng agarang lunas sa mga pasyenteng kinagat ng mga hayop gaya ng aso, pusa at ahas.
Ayon naman sa pahayag ng Medical Center Chief ng CVMC na si Dr. Glenn Matthew Baggao, layunin ng pagbubukas sa mga nasabing pasilidad na mabigyan ng sariling ward ang mga pasyenteng tinamaan ng stroke o nakagat ng hayop at matutukan rin ng mga espesyalista ang kanilang kondisyon.
Samantala, bukod sa bubuksang mga pasilidad ay magsasagawa din ang ospital ng groundbreaking ceremony sa ipatatayong Communicable Disease Unit sa susunod na buwan.