Cauayan City, Isabela- Pormal nang binuksan sa publiko kahapon, Pebrero 15, 2021 ang bagong Acute Stroke Unit at Animal Bite Center ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City para sa mga stroke patients at nakagat ng hayop.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical chief ng CVMC sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Pangangasiwaan aniya ito ng pitong neurologist, isang pediatric neurologist at isang neuro surgeon.
Ayon kay Dr. Baggao, mayroong sari-sariling kwarto at operating room ang nasabing gusali para sa mga pasyente dipende sa kanilang sitwasyon.
Binuksan na rin ang bagong animal bite center para sa lahat ng mga biktima ng nakagat ng anumang hayop gaya ng aso, pusa, ahas at iba pa at mayroon din kama para sa mga ito kung kinakailangang maconfine.
Nilinaw din nito na iba pa ang rehab center para sa mga stroke patients na may malalang kondisyon.
Ang mga biktima naman ng aksidente, saksak o gunshot wound ay sa Trauma Center.
Ibinahagi rin ni Dr. Baggao na base sa kanilang develoment plan ay mayroon pang sapat na espasyo ang CVMC para sa iba pang mga gusali na ipapatayo sa mga susunod na taon gaya ng regional heart and lung center at Communicable Disease building na itatabi sa Animal bite center.
Kaugnay nito, inaasahan din ngayong taon na itatayo na rin ang 50unit dialysis center at dipende pa kung aaprubahan ang 100 units.