Bagong patakaran na hadlang sa pagbili ng bakuna ng pribadong kumpanya, pinatitigil ni Senator Marcos

Pinatitigil muli ni Senador Imee Marcos ang Department of Health (DOH) sa bago nitong panuntunan na hahadlang sa mga pribadong kumpanya sa pagbili ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Marcos, inoobliga ng nabanggit na patakaran ang mga kumpanya na mag-isyu ng Certificate of A4 Eligibility sa ilalim ng National Vaccine Deployment Plan (NVDP).

Sabi ni Marcos, aalisin nito ang ilang mga empleyado mula sa prayoridad na mabakunahan kahit pa ang produkto o serbisyo ng kanilang kumpanya ay essential o mahalaga tulad ng pagkain, pharmaceutical at transportasyon.


Ang terminong A4 ay tumutukoy sa grupo ng mga prayoridad na mabakunahan kasunod ng healthcare workers, senior citizens at mga taong may co-morbidities o mga sakit na maaring magpalubha sa impeksyon ng COVID-19.

Ang updated na NVDP ay magkakaroon ng 13 sub-classes para sa A4 na binubuo ng frontline workers mula sa pribadong sektor at gobyerno, Overseas Filipino Workers (OFW) na may kaparehong trabaho at ang bago sa listahan na mga religious leader.

Giit ni Marcos, ang Certificate of A4 Eligibility ay magdudulot lang ng diskriminasyon sa mga manggagawa at magiging sanhi ng kalituhan, sama ng loob at kaguluhan hindi lang sa mga kumpanya kundi maging sa mga lokal na pamahalaang naatasang magsagawa ng pagbabakuna sa buong bansa.

Facebook Comments