Manila, Philippines – Pinili na ng paksyon nila dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas si ABS Partylist Rep. Eugene De Vera bilang Minority Leader ng kanilang grupo.
Kaninang umaga ay nagkasundo na ang grupo na si De Vera na ang kanilang Minority Leader matapos na lumipat ang grupo ni Fariñas sa naiwang myembro ng Minorya.
Si De Vera ang isa sa natira na myembro ng Minority Group sa pamumuno noon ni Quezon Rep. Danilo Suarez na hindi bumoto pabor kay House Speaker Gloria Arroyo.
Lumalabas na tatlo ang nagnanais na maging Minority Leader… ito ay sina de Vera, Suarez at Marikina Rep. Miro Quimbo ng Liberal Party.
Samantala, patuloy namang igigiit ni Quimbo sa Lunes na sila ang tunay na Minority group.
Aniya kung hindi nila ito gagawin ay lalabas na pag-abanduna ito sa kanilang duty bilang tunay na oposisyon sa Kamara.
Sakaling hindi pa rin maresolba ay ipauubaya ang isyu sa Minority leadership sa Speaker ng Mababang Kapulungan.