Bagong PNP Chief Police MGen. Debold Sinas, hinimok na ibalik ang tiwala ng publiko sa PNP

Umapela ang ilang mga kongresista sa bagong talagang Philippine National Police Chief na ibalik ang tiwala ng publiko sa institusyon.

Hinimok ni Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin si PNP Chief Police Major General Debold Sinas na tiyakin sa mga Pilipino ang kanilang kaligtasan at seguridad gayudin ay ipanumbalik ang tiwala at kumpyansa ng mamamayan sa PNP na nabalot ng mga anomalya kaugnay sa patuloy na pagkakasangkot ng ilang mga pulis sa iligal na droga, sugal, red tagging at panghahalay.

Hiniling din ng kongresista sa PNP na palaging i-update at i-disclose sa kanilang social media accounts ang kumpletong listahan at detalye ng mga police officers na nahaharap sa criminal at administrative cases dagdag din dito ang listahan ng mga AWOL officers.


Nararapat lamang aniyang isapubliko ito at i-post sa social media nang sa gayon ay batid ng media at maging ng publiko ang posibleng banta sa safety and security na maaaring gawin ng mga AWOL at dismissed officers.

Hinamon naman ni Committee on National Defense and Security Vice Chairman Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon si PNP Chief Sinas na ipakita sa taumbayan na natuto na siya sa naging leksyon sa mañanita issue matapos itong magdiwang ng kaarawan at makalabag sa quarantine protocols sa kasagsagan ng mahigpit na lockdown noong Mayo 8.

Hindi na rin aniya dapat kwestyunin ang pagkakatalaga kay Sinas dahil prerogative at authority ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-appoint ng PNP Chief.

Facebook Comments