Hinamon ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga bagong graduates ng Philippine National Police Academy (PNPA), na gamitin ang teknolohiya sa pag-protekta at pagsisilbi sa publiko.
Sa kanyang talumpati sa commencement exercises ng PNPA “Layag-Diwa” Class of 2024, sinabi ng pangulo na karamihan sa mga kadete ay ipinanganak sa panahon ng kasagsagan ng internet, kung kaya’t “tech savvy” at “digital natives” ang mga ito.
Ayon sa pangulo, magagamit nila ang karunungan sa teknolohiya sa pagsisilbi sa publiko lalo na sa paglaban sa cybercrime.
Bagama’t wala aniyang papalit sa pisikal na presensya sa mga lansangan, pero kina-kailangan na ring bantayan ngayon ang information highway dahil napasok na rin ito ng mga kawatan.
Binigyang-diin ng pangulo na ang diskarte sa paglaban sa krimen sa ngayon ay magkahalo na ng gadgets at war rooms, at tradisyunal na trabaho ng mga masigasig at matatapang na pulis.
Kaugnay nito, nais ding palakasin ng Pangulo ang IT system ng BFP at BJMP para sa mas maayos at mas matipid na pagse-serbisyo.
Facebook Comments