Bagong polisya ng PNP laban sa tattoo, walang ligal na basehan at labag sa konstitusyon

Iginiit nina Manila 3rd District Rep. Joel Chua at Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na unconstitutional ang bagong polisiya ng Philippine National Police o PNP na nagbabawal sa visible tattoos para sa mga kasalukuyang tauhan at mga aplikante.

Ayon kay Rep. Chua, walang basehan sa batas ang bagong patakaran, wala sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, wala rin sa batas na nagtatag sa PNP at hindi rin kasama sa qualifications at disqualifications na nakasaad sa Section 30 ng RA 6975.

Dagdag pa ni Chua, maaring magdulot ng problema sa kalusugan tulad ng pagkaroon ng infection ang pagpapatanggal ng tattoo.


Katwiran naman ni Rep. Flores, makalumang kaisipan na ang “stereotyping” laban sa mga taong may tattoo at hindi rin ito basehan ng pagiging mabuting tao o may good moral conduct.

Sa tingin ni Flores, mukhang ang PNP ang kailangan ng orientation dahil ang pananaw ay hindi naka-base sa bagong reyalidad ngayong 21st century.

Diin nina Chua at Flores, walang kinalaman ang pagkakaroon ng tattoo sa kakayahan at pagtupad sa tungkulin ng mga pulis at iba pang public servant.

Facebook Comments