Bagong silang na sanggol, inabandona sa isang sementeryo dito sa lungsod!

159

Walang pusong ina ang nag-iwan ng kanyang bagong luwal na sanggol sa isang sementeryo dito sa Cotabato city sa likuran mismo ng Police Precinct no. 2 (PP2) sa Sinsuat Avenue.

Ayon kay Chief Insp. Leonardo Enggay, hepe ng nabanggit na himpilan ng pulisya, alas 6:00 ng umaga kanina, isang trisikad driver na kinilalang si Leonel Labadia ang dali-daling nagsuplong sa kanila hinggil sa natagpuan nitong sanggol sa Cotabato City Public Cemetery.


Sa salaysay ni Labadia sa pulisya, napadako s’ya sa lugar dahil sa tawag ng kalikasan nang makarinig ng iyak ng sanggol, nang mag-usisa ay laking gulat n’ya nang tumambad sa kanya ang isang sanggol na babae na nasa damuhan.

Tinatayang 8 buwan lamang ang sanggol, hindi pa natanggal ang umbilical cord nito nang matagpuan, indikasyon na bagong luwal lamang ito, ayon pa kay Chief Insp. Enggay.

Kaagad din namang isinugod ng kapulisan ng PP2 ang sanggol sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) para sa kainakailangan nitong medical attention.

Sa kabila ng kanyang sinapit, nasa maayos nang kondisyon ang anghel at patuloy na inoobserbahan ng mga duktor.

Sa oras na maari nang ilabas mula sa pagamutan ang sanggol ay pansamantala muna s’yang mananatili sa pangangalaga ng City Social Welfare Office samantalang magpapatuloy ang pagsisiyasat ng pulisya upang matuntun kung sino ang nag-abandona sa kaawa-awang anghel. (DAISY MANGOD-REMOGAT)




Facebook Comments