BAGONG SILANG NA SANGGOL NA INIWAN SA PALIKURAN, NAILIGTAS

Cauayan City – Ligtas at nasa pangangalaga na ng Matilde A. Olivas District Hospital (MAODH) ang isang bagong silang na babaeng sanggol matapos itong iwan sa isang palikuran sa Brgy. Bulala, Camalaniugan, Cagayan.

Natagpuan ng ilang concerned citizen ang sanggol na walang saplot at may nakakabit pang inunan sa palikuran kaya agad itong nireport sa mga kawani ng Rural Health Unit (RHU), na kaagad namang nagbigay ng paunang lunas sa sanggol bago ito inilipat sa ospital.

Ayon kay Dr. Charito Cipriano, Chief of Hospital ng MAODH, mahina ang tibok ng puso ng sanggol nang dumating ito sa ospital kaya’t agad itong inasikaso ng mga doktor at nurse.


Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad upang matukoy ang ina ng sanggol.

Iniinspeksyon din ang mga CCTV footage mula sa kalapit na establisyemento upang makahanap ng posibleng ebidensya sa insidente.

Facebook Comments