Dismayado ang mga media na regular na nagco-cover sa Philippine National Police (PNP) sa bagong polisya na ipinatupad ng PNP-Public Information Office (PIO).
Ito’y matapos ang abiso ng PNP-PIO kahapon na naghigpit na sila sa pagpapaunlak ng panayam at kinakilangan munang magpadala ng letter of request ng media dalawang araw bago ang actual interview.
Ayon sa mga kasapi ng PNP Press CORPS, hindi nila nagustuhan ang abiso ng PIO.
Mapapanis na kasi ang mga balita kung dalawang araw pa ang hihintayin bago makakuha ng reaskyon mula sa bagong tagapagsalita na si Police Col. Ysmael Yu.
Dahil dito, umaapela ang mga reporter na ikonsidera at pag-isipan ang paghihigpit sa pagtanggap ng panayam lalo pa’t hindi naman ito ipinatupad ng mga nakalipas na tapagsalita ng PNP.
Sa inilabas na advisory, ikinatwiran ng PIO na maraming trabaho ang kanilang tanggapan at abala sila sa pagtugon dito.
Kaya naman, kailangan muna nila ng sapat na oras para makapaghanda sa mga katanungan ng media.