Dadaan pa ng ilang linggo bago makapagpalabas ng bagong Suggested Retail Price o SRP bulletin ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa iba’t ibang produkto.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, bagaman may hiling na sa kanila na apat na piso na taas-presyo sa tinapay tulad ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ay hindi pa rin nila ito tapos pag-aralan.
Paliwanag ni Castelo, hindi kasi sila pwedeng magtaas ng presyo ng isang produkto lang na nasa bulletin dahil inilalathala ito.
Kailangan aniya matapos muna nilang lahat na pag-aralan ang mga hiling na price adjustment na nasa listahan para sabay-sabay na ang paglalathala o pagpapalabas ng SRP bulletin.
Dagdag pa ni Castelo, may mga nakabinbin pa silang request na taas-presyo noon pang Enero at kailangan nila itong tapusing pag-aralan.
Posible aniya na sa mga susunod na linggo ay makapagrekumenda na sila kay DTI Secretary Alfredo Pascual para sa kaniyang pag-apruba at saka pa lamang sila na makakapaglathala ulit ng bagong SRP bulletin.