Manila, Philippines – Patuloy na minomonitor ng Department of Health (DOH) ang pinakabagong strained ng Sexually Transmitted Disease na Gonorrhea, ito ay makaraang maglabas ng babala ang World Health Organization, na nakapagtala na sila ng tatlong kaso ng Gonorrhea na hindi na tinatablan pa ng panlunas.
Ayon kay DOH Assistant Sec. Eric Tayag, sa Pilipinas, bagamat hindi na tumatalab ang First- Line Drug na pangontra sa Gonorrhea, umuubra pa naman ang Second- line drug, o ikalawang linya ng panglunas sa Gonorrhea, ibig sabihin, wala pa dito sa bansa ang kaparehong kaso ng drug-resistant Gonorrhea na una nang naitala ng WHO.
Gayunpaman ayon kay Tayag, hinidi pa rin dapat magpakakampante ang publiko at dapat pa ring umiwas sa hindi ligtas na pakikipag talik.
“Kaya ang babala namin sa ating mga kababayan, para makaiwas sa Gonorrhea at iba pang Sexually Transmitted Diseases ay kailangang makaiwas sila sa mga risk ng unsafe sexual contact. Magiging mabisa lamang ang pag-iingat nila kung gagamit sila ng condom.”
Dagdag pa ni Tayag, isa sa mga problema, ay hirap silang tukuyin ang mga kaso ng Gonorrhea sa bansa dahil karaniwang ipinagwawalang bahala ito ng publiko.
Sakaling hindi malunasan, maaaring mauwi ang Gonorrha sa pamamaga ng pelvis, at maaaring maapektuhan ang sanggol na ipinagbubuntis para sa mga kababaihan, habang pagkakaroon ng tulo at pagkabaog sa mga kalalakihan at maaaring mauwi sa HIV.
Matatandaan, nito lamang Biyernes, naglabas ng pahayag ang World Health Organization na nailata nila mula sa bansang Japan, France at Spain ang mga kaso ng Gonorrhea na hindi na tinatablan pa ng mga panlunas.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558