Ipatutupad na sa February 1, 2022 ang bagong testing at quarantine protocols para sa mga inbound international flight.
Base sa Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 159, ang mga international arriving passenger anuman ang vaccination status ay kailangang mag-prisinta ng negatibong RT-PCR test result na isinagawa sa loob ng 48 oras bago ang departure nito.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, ang mga fully vaccinated paglapag sa Pilipinas ay hindi na kailangang sumailalim sa mandatory facility-based quarantine ngunit kailangang mag-self monitor sa loob ng 7 araw, at dapat na ipagbigay alam sa Local Government Unit (LGU) sakaling makaranas ng sintomas.
Kailangan din na makapagprisinta ang mga ito ng mga kinikilalang katibayan na sila ay bakunado na laban sa COVID-19.
Para naman sa mga unvaccinated o partially vaccinated inbound passengers, required pa rin ang mga ito na sumailalim sa facility-based quarantine, hanggang lumabas ang negatibong resulta ng RT-PCR test na isinagawa sa ikalimang araw.
Para sa mga batang pasahero, susundin ng mga ito ang quarantine protocols katulad sa kanilang guardian.