
Nakatakdang ilunsad ng Bureau of Customs (BOC) ang bagong tracking application para ma-monitor ng mga importer ang kanilang kargamento ng anumang oras.
Ang nasabing app ay kayang masubaybayan ang kargamento mula sa pinanggalingan nitong pantalan hanggang pagdating at pagpapalabas nito sa Port of Manila.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, isa ito sa nakikita nilang paraan upang tuluyan nang mawala ang misinformation sa kanilang ahensiya na nagiging dahilan ng korapsyon.
Aniya, ang nasabing application ay gagamitan ng Value-Added Service Provider (VASP) kung saan sa pamamagitan nito ay hindi na mag-aalala pa ang mga importer na mawala o hindi ma-monitor ang kanilang kargamento.
Dagdag pa ni Nepomuceno, hindi na rin masisisi o magiging fall guy ang mga importer sakaling magkaroon ng problema dahil mismong sila ay kaagad malalaman kung ano ang sitwasyon ng kargamento.
Mawawala na rin nang tuluyan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng importers, brokers, at customs personnel kung saan hindi na rin maloloko pa ang mga kliyente.









