Tuguegarao City, Cagayan – Magkakahalaga ng mahigit apat na bilyong piso ang gagawing pangalawang tulay na magdudugtong sa Tuguegarao at Solana, Cagayan.
Ito ang ipinamalita ni Cagayan 3rd District Randolph s Ting sa media sa okasyon ng kanyang kaarawan ngayong Pebrero 4, 2018.
Kanya pang sinabi na ang nasabing tulay ay apat na linya at mayroon nang nakalaan na pondong P200 M para mabigyan daan ang mga pangangailangang gastusin sa right of way ng naturang tulay.
Magugunita na ang tanging tulay na nagdudugtong sa Solana at Tuguegarao na hinati ng Cagayan River ay ang Buntun Bridge.
Maliban dito, ang 4-Lane Bagay, Tuguegarao to Centro 2 Solana Cagayan Bridge ay siyang magiging pangatlo lamang na tulay sa Cagayan maliban sa Buntun Bridge at Magapit Bridge na tumatawid sa Cagayan River.
Ang dalawang naunang mga tulay ay proyekto pa noon sa panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinabi ng Congressman na ang tulay ay nakatakdang matapos sa 2022 at tiyak na makakatulong ito sa pagpapagaan sa bigat ng trapiko sa Lungsod ng Tuguegarao.
Kasama ni Congressman Ting na humarap sa lokal na media ay ang kanyang mga pangunahing bisita sa kanyang kaarawan na sina Labor Secretary Silvestre Bello III, House Appropriation Committee Chairman Karlo Nograles at Negros Occidental Representative Alfredo Benitez.