Wala pa ring community transmission ng mga bagong variant ng COVID-19 dito sa bansa.
Ito ang iginiit ni Dr. Rontgene Solante, miyembro ng Vaccine Expert Panel at Chief ng Infectious Diseases ng San Lazaro Hospital kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga natutukoy na variants ng COVID-19 dito sa bansa.
Sa datos ng Department of Health (DOH), sa ngayon ay may 1,075 na ang natutukoy na B.1351 o South African variant dito sa bansa, habang may 948 naman na B.1.1.7 o UK variant, 2 P1 o Brazilian Variant at 157 P3 o Philippine variant.
Ang 47% aniya ng mga variant na ito ay nasa Metro Manila, habang ang iba ay nasa Cordillera Administrative Region, Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Northern Mindanao, Soccsksargen at Caraga.
Lahat ng variant na ito ay sinasabing nakapagpapabilis ng transmission ng virus maliban sa P3 o Philippine variant na hindi kabilang sa variant of concern.
Aminado naman si Solante na sa kabila ng pinaigting na biosurveillance sa bansa ay hindi sapat ang nakakalap na mga datos dahil sa limitadong kapasidad.
Sa ngayon kasi ang Philippine Genome Center pa lamang sa bansa ang nagsasagawa ng sequencing sa mga COVID-19 sample na may mataas na viral load habang tumutulong din sa pagtukoy ng mga bagong variant ang University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM).