Binabantayan ngayon ng PAGASA ang tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Huli itong namataan sa layong 2,510 kilometers Silangan ng Northeastern Mindanao.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong 55 kilometers per hour.
Pero batay sa forecast ng PAGASA, intertropical convergence zone o ITCZ pa rin ang nakakaapekto sa Mindanao.
Dahil dito, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang Palawan, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula at BARMM.
Habang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang isolated rainshowers at thunderstorm ang iiral sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa dahil rin sa ITCZ at localized thunderstorms.