Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang isang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Huli itong namataan sa layong 1,565 kilometers Silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong 55 kilometers per hour.
Posible itong pumasok sa PAR sa Huwebes at papangalanang “Inday” pero hindi ito inaasahang tatama sa lupa.
Wala pa itong direktang epekto sa bansa.
Sa ngayon, ang southwest monsoon o hanging habagat pa rin ang umiiral sa kanlurang bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon.
Ngayong hapon nang bumuhos ang malakas na ulan sa Metro Manila at karatig-probinsya dala ng thunderstorm.
Dahil dito nakaranas din ang Kamaynilaan at mga probinsya ng Bataan, Rizal, Tarlac, Nueva Ecija, Bulacan, Zambales, Pampanga, Cavite, Batangas, Laguna at Quezon ng mga pagkulog at pagkidlat na sinamahan pa ng malakas na hangin.
Agad namang nalubog sa baha ang ilang lugar sa Maynila at Quezon City.