Bahagyang lumakas ang severe tropical storm “Jenny” habang kumikilos hilagang-kanluran sa ibabaw ng Philippine Sea.
Batay sa 5PM update ng PAGASA-DOST, huling namataan ang Bagyong “Jenny” sa layong 760 kilometers silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 100 kilometers per hour malapit sa gitna at may pagbugso na hanggang 125 kilometers per hour.
Kumikilos ito hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Sa ngayon ay nakataas na sa tropical cyclone wind signal no.1 ang Batanes.
Palalakasin din ng Bagyong “Jenny” ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat na magdadala na minsanang pag-ulan sa Western portions ng Central at Southern Luzon, Visayas, at Mindanao sa susunod na tatlong araw.
Posible namang lumakas ang Bagyong “Jenny” sa typhoon category ngayong gabi.
Habang, inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes ng hapon o gabi.