BAGYONG OMPONG | PRRD, tiniyak ang mabilis na paghahatid ng ayuda

Tiniyak ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno na nakahanda na sila sa inaasahang pananalasa ng bagyong “Ompong”.

Sa isinagawang command conference na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte pinaalalahanan nito ang mga ahensiya na seguruhin na nag-uusap-usap sila para mabilis ang responde sa tulong.

Inatasan rin ng Pangulo ang kaniyang mga gabinete na puntahan ang mga lugar na tatamaan ng bagyo.


Ayon naman kay NDRRMC Spokesperson Director Edgar Posadas, handa at prepositioned na ang lahat ng responders pati ang relief packages ng DSWD at nakaantabay na rin ang 28 health emergency management teams ng DOH.

Patuloy rin aniya ang kanilang monitoring sa mga dam na dadaanan ng bagyo.

Sabi naman ni DENR Secretary Roy Cimatu, asahan na ang posibilidad na maging isolated ng ilang araw ang Northern Luzon at Cagayan dahil sa inaasahang pinsala ng bagyo sa Ilocos at Isabela road.

Maliban pa aniya rito ang kalawan ng supply ng kuryente.

Siniguro naman ng DOTr na ipapagamit nila ang kanilang mga pasilidad sa mga pantalan para sa mga maii-stranded na pasahero.

Habang ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay tutulong sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na maiipit sa kanilang biyahe.

Dagdag naman ni DA Secretary Manny Piñol na 600,000 metriko tonelada ng bigas ang maaaring maapektuhan ng bagyo pero hindi dapat mamoblema dahil parating na aniya ang mga in-import na bigas.

Facebook Comments