*Tuguegarao City- *Nasa pitong barangay na prone sa baha ang tinututukan ngayon ng Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao dahil sa paparating na bagyong Ompong.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Sherwin Bariwan, ang City Information Officer ng Tuguegarao City na nagkaroon na sila ng pulong hinggil sa paghahanda sa pangunguna ng kanilang alkalde kasama ang pamunuan ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).
Aniya, puspusan ngayon ang kanilang paghahanda bagamat inaasahan na sa huling bahagi ng Northern Luzon tatama ang bagyo.
Kaugnay nito ay mayroon na rin umano silang nakahandang limang lugar na maaaring likasan ng mga mamamayan kung sakaling kinakailangang lumikas.
Naglaan narin ng lugar ang kanilang alkalde para sa lahat ng mga alagang hayop at mamarkahan umano ang mga ito ng Veterinary Office upang magkaroon ng palatandaan ang mga may-ari ng hayop.
Naatasan na rin umano ang pwersa ng kanilang Traffic Management Group upang magmandu sa trapiko para maiwasan ang anumang aberya sa daloy ng trapiko.
Samantala, Nagsuspinde na rin ng klase ngayong araw hanggang bukas ang Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan habang suspendido rin bukas ang pasok ng mga empleyado ng nasa pampubliko at pribadong tanggapan.