Patuloy na lumalakas ang Tropical Depression Quinta habang nasa Philippine Sea.
Huling namataan ang bagyo sa layong 885 kilometers Silangan ng Catarman, Northern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging nasa 55 kilometers per hour at pagbugsong nasa 70 km/h.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Hilagang Kanluran sa bilis na 15 km/h.
Ayon kay DOST-PAGASA Weather Specialist Benison Estareja, mataas ang tiyansang lumakas sa Tropical Storm Category ang Bagyong Quinta dahil nananatili pa rin ito sa karagatan.
Posibleng tumama ito sa Bicol Region sa pagitan ng Linggo ng gabi hanggang sa Lunes ng madaling araw, pero mamayang gabi hanggang bukas ay asahan na ang malalakas na ulan at bugso ng hanging dala ng bagyo.
Tatawid ang bagyo sa Southern Luzon hanggang sa malakabas sa West Philippine Sea sa Martes, October 27, 2020.
Sinabi rin ni Estareja na mababa ang tiyansang umabot ito sa Typhoon category bago ito tumama ng kalupaan.
Posible ring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa Bicol Region at Eastern Visayas ngayong araw.
Sa ngayon, ang trough o buntot ni Bagyong Quinta at Bagyong Pepito ay nakakaapekto sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao at Katimugang Luzon kaya asahan ang mahihina hanggang sa katamtamang pag-ulan.
Magdadala ng pag-ulan sa dulong Hilagang Luzon ang Frontal System o Boundary sa pagitan ng Northeast Monsoon o Hanging Amihan at Easterlies.