Napanatili ng Bagyong Rosal ang lakas nito habang binabaybay ang Philippine Sea.
Huling namataan ang bagyo sa layong 330 kilometers Silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 55 km/h.
Patuloy na kumikilos ang bagyo pa-Hilaga, Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 km/h.
Wala nang lugar ang nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal pero patuloy pa ring uulanin ang Aurora, Isabela, MIMAROPA, CALABARZON, Bicol Region at Western Visayas dahil sa Bagyong Rosal at umiiral na shearline.
Makararanas naman ng maulap na kalangitan at mahihinang pag-ulan ang Batanes bunsod ng northeast monsoon.
Habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan at isolated rainshower o thunderstorm dahil sa trough ng bagyo at sa localized thunderstorm.
Ayon pa sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration -Department of Science and Technology (PAGASA-DOST), patuloy na kumikilos palayo ng kalupaan ang Bagyong Rosal pero posible pa itong lumakas at maging isang tropical storm.
Muli itong hihina bukas ng gabi o sa umaga ng Martes hanggang maging low pressure area na lamang sa Miyerkules.
Samantala, isa pang bagyo ang maaaring pumasok sa bansa pero sa ngayon ay wala pa ulit namamataang sama ng panahon ang PAGASA.