BAHA SA PUROK 12 BRGY. VILLA LUNA, HUMUPA NA

Cauayan City – Humupa na ang tubig-baha sa mga kabahayan sa Purok 12, Brgy. Villa Luna, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng IFM News Team sa mga Kagawad sa nabanggit na Brgy, buong Purok 12 na binubuo ng 148 na households ang direktang naapektuhan ng naranasang pagbaha matapos ang paghagupit ng Bagyong Nika.

Ayon sa mga ito, karamihan sa mga residente doon at piniling manatili sa kanilang mga tahanan sa kabila ng pagbaha, habang 5 pamilya naman ang piniling lumikas patungo sa evacuation center dahil na rin sa mga batang kasama ng mga ito.


Samantala, bagama’t nakaranas ng malakas na hangin at pagbugso ng ulan at pagbaha ay ipinagpapasalamat pa rin ng mga opisyal ng barangay na hindi lubhang naapektuhan ng bagyo ang mga residente maliban na lamang sa mga magsasaka sa kanilang lugar na nasiraan ng mga pananim.

Sa kanilang monitoring walang naitalang namatay na mga alagang hayop, habang dalawang bahay naman ang bahagyang nayupi ang bubong matapos matumbahan ng punongkahoy.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin bumabalik ang suplay ng kuryente sa kanilang barangay kaya naman pansamantala munang ginagamit ng mga ito ang generator set na ibinigay ng LGU Cauayan.

Facebook Comments