Bahagi ng Pantawid Pasada, ipinagagamit para sa COVID-19 testing ng drivers at mga pasahero

Hiniling ni Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin sa pamahalaan na gamitin ang pondo ng Pantawid Pasada para sa libreng COVID-19 testing ng mga drivers at mga pasahero.

Ito ay matapos maiulat na halos 80 pasahero ng mga colorum na sasakyan na papuntang Bicol mula sa Metro Manila ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Garbin, siguradong maraming pampasaherong sasakyan ang magpapalusot dahil wala namang libreng testing at mahal ang magpa-swab test.


Giit ng mambabatas, ipagamit ang parte ng pondo ng Pantawid Pasada program gayundin ang kita mula sa PAGCOR para mabigyan ng libreng reverse transcription – polymerase chain reaction (RT-PCR) test ang mga tsuper at pasahero ng Public Utility Vehicles (PUVs), UV Express at mga bus.

Ipinasasama rin sa libreng COVID testing ang mga pasaherong stranded sa mga pier, airports at transport terminals para maiwasang madala pa sa mga probinsya ang nakahahawang sakit.

Facebook Comments