Manila, Philippines – Inihayag ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na posibleng maantala o hindi maipatupad sa oras ang nakatakda sanang pagtataas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan na naitakda sana sa November 3.
Sa Briefing sa Malacañang ay sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na dahil sa mosyon na inihain ng isang Commuter galing sa Camarines Norte ay baka hindi pa maisakatuparan ang fare increase.
Paliwanag ni Delgra, magsasagawa na sila ng board meeting bukas kung saan tatalakayin nila ang mosyon na inihain na nagpapapigil sa pagtataas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Pero pipilitin naman aniya nilang maglabas ng desisyon o resolusyon na pasok sa 15-day period mula ng maitala sa mga pahayagan ang nakatakdang pagtataas ng pasahe sa buwan ng Nobyembre.
Nabatid na October 19 nailathala ang pagtataas ng pasahe kaya hindi malayong maiatras ang petsa ng pagtataas ng pasahe sa mga bus at jeepney.