Hindi pa rin sapat para pumasok sa price ceiling sa mga palengke ang unti-unting pagbaba ng farm gate price ng karne ng baboy sa ilang lugar.
Ayon kay Metro Manila Meat Dealers Association (MMMDA) President Ricardo Chan, sa ibang lugar ay umaabot pa rin sa P250 ang farm gate price ng kada kilo ng baboy.
Maliban dito, patong-patong din ang kanilang gastusin sa mas pinaigting na pagbabantay sa African Swine Fever (ASF).
Nadagdagan kasi aniya ang mga permit na kailangan at bayarin sa mga checkpoint sa barangay, bayan at mga lalawigan.
Kasabay nito, hinimok naman ng Pork Producers of the Philippines ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na tutukan din ang talamak na iligal na pagpuslit ng baboy at manok sa bansa.
Giit ni Agriculture Sector Alliance of the Philippines President at Pork Producers of the Philippines Vice President Nicanor Briones, aabot na sa P27 bilyon ang nawawalang kita ng gobyerno sa baboy at manok sa loob ng tatlong taon dahil sa misdeclaration.
Bukod dito, hindi rin aniya totoong may sapat na suplay ng baboy lalo na’t mahigit apat na milyong populasyon ng baboy ang nawala dahil sa ASF.
Dagdag pa nito na mayroong undervaluation kaya napakalaki ang nawawalang kita taon-taon.