Cauayan City – Tinatayang aabot sa halos isang milyong piso ang halaga ng napinsala sa isang bahay at talyer sa Brgy. Bidduang, Pamplona, Cagayan matapos itong lamunin ng apoy noong araw ng lunes, ika-6 ng Enero.
Ayon sa imbestigasyon ng Pamplona Fire Station, ang sunog ay nagsimula dahil sa “short circuit” mula sa napabayaang saksakan sa bahay ng isang 64-anyos na lola at nadamay din sa insidente ang talyer na pagmamay-ari ng kaniyang anak.
Base sa ulat, matagal nang napapansin na nagkakaroon ng “spark” ang nasabing saksakan sa isang kwarto ng bahay, ngunit hindi ito agad naipagawa, dahilan ng pagsiklab ng apoy.
Dahil sa mga light materials na ginamit sa bahay, mabilis kumalat ang apoy at nasunog din ang kalapit na talyer.
Sa kabila nito, walang naiulat na nasaktan subalit kabilang sa mga napinsala ay ang mga gamit sa bahay, isang partially damaged na sasakyan, isang motor na tuluyang naabo, at iba pang kagamitan sa talyer at wala namang ibang bahay o pasilidad ang nadamay sa insidente.