Bahay sa Zamboanga at P3-M, ipagkakaloob ni Pangulong Duterte kay Hidilyn Diaz

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na pagkakalooban si Olympic Gold Medalist Hidilyn Diaz ng ₱3 million cash incentive at maayos na bahay sa kanyang hometown sa Zamboanga City.

Ito ang gantimpala ng pangulo sa Pinay weightlifter matapos mag-uwi ng karangalan sa Pilipinas sa 2020 Tokyo Olympics.

Sa virtual courtesy call ni Diaz sa Malacañang kagabi, sinabi ni Pangulong Duterte na maipagmamalaki niya ang tagumpay ni Diaz na kauna-unahang nakasungkit ng gintong medalya sa Olympics.


“As expected, the nation is ecstatic about your achievement. Your achievement is the achievement of the Philippine nation,” sabi ni Pangulong Duterte.

“We are extremely proud. We cannot express even in the words how we should really be shouting Hallelujah,” dagdag pa ng Pangulo.

Ayon pa sa pangulo, ang bahay na ibibigay niya kay Diaz, na miyembro ng Philippine Air Force sa Zamboanga ay bahagi ng housing project ng pamahalaan para sa mga sundalo.

“Hindi mo na ito kailangan– Well, maybe someday may mga relatives ka, kapatid mo, mag-sundalo rin, you might just keep it this time and think of what you should be doing. I’m going to give you one fully furnished, furnished na, it’s a house and lot in Zamboanga City,” dagdag pa ng Pangulo.

Bibigyan din si Diaz ng Presidential Medal of Merit sa gagawing seremonya sa Palasyo.

Bukod sa 10 milyong piso na ibibigay ng pamahalaan kay Diaz alinsunod sa batas, dadagdagan ito ni Pangulong Duterte ng tatlong milyon.

Nagpapasalamat si Pangulong Duterte kay Diaz sa kanyang mga naging sakripisyo, at umaasang mapapawi ang mga pait na dinanas niya noon.

Facebook Comments