Imbis na maging magical, katakot-takot umano ang naging karanasan ng isang pamilya nang tumambad sa kanila ang mga ipis at gamit na condom sa Disney World hotel.
Bumiyahe nang 12 oras papuntang Florida, US ang mag-asawang Michael at Paul Atwal-Brice mula sa England para dalhin sa Walt Disney World Resort ang kambal na ampon nilang sina Levi at Lucas.
Bukod kay Levi at Lucas na parehong may autism at nakararanas ng epilepsy at asthma, mayroon pang mas batang kambal ang mag-asawa base sa kanilang family photo sa Instagram.
Nagkakahalaga ng £400 o higit P26,000 ang halaga ng isang gabing pagtuloy ng pamilya sa Caribbean Beach Resort hotel na anila’y balot ng alikabok at dumi.
Kuwento ni Michael sa Mirror, bumungad sa kanila ang may kalakihang patay na ipis sa kama ng maruming kuwarto.
May mga sirang ilaw din umano at kalat-kalat na wire ng kuryente–at higit sa lahat, gamit na condom sa kama.
“The boys could have stood on the cockroach and could very easily have touched the condom if they dropped their bouncy ball down the side of the bed,” ani Michael.
“That’s what shocked us. We’ve not just booked any old hotel. We’ve purposefully booked this resort and spent a vast amount of money to make it all magical and special,” dagdag niya.
Sinubukan nilang magpalipat, ngunit kasing dumi at may mga buhay pang alupihan sa sumunod na kuwarto, ayon pa rin sa ulat.
Sa sumunod na pagrereklamo ng pamilya, inilipat sila ng Disney sa Grand Floridian Resorts and Spa.
“Regarding their current visit, we believe the guest claims are exaggerated, and again took several steps to enhance their vacation,” pahayag ng tagapagsalita ng Disney sa Fox News.