Lalaking inatake ng buwaya, nakaligtas nang ipasok niya ang kamay sa bunganga nito

Nakaligtas mula kamatayan ang isang lalaking inatake ng buwaya sa Bataraza, Palawan nitong Biyernes nang ipasok niya ang kanyang kamay sa bunganga nito.

Kinilala ang biktima na si Hairal Halon Jaapal, 52, na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital dahil sa tinamong mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Kwento ni Jaapal, nangyari ang insidente Biyernes ng gabi habang naghahanda siyang pumalaot para mangisda.


Bigla raw may sumakmal sa kanya nang akma na niyang itulak ang bangka, at nang mahawakan niya ang ulo nito, dito na niya napagtanto na isang buwaya ang umatake sa kanya.

Nang sakmalin siya sa pangalawang pagkakataon, lakas-loob raw niyang ipinasok ang kanyang kamay sa bunganga nito para magsuka ito at pakawalan siya.

Maalalang noong mga nakaraang buwan ay sunud-sunod na kaso ng pag-atake ng buwaya ang naganap sa Balabac, Palawan kung saan ang isa ay natagpuan pang sakmal ng naturang hayop ang bangkay.

Nakaraang taon ng mayroon din kaso nang pag-atake ng buwaya sa Bataraza.

 

Facebook Comments