BAKBAKAN PATULOY PA RIN │Hawak na mga hostage ng Maute group, nasa 40 pa

Manila, Philippines – Kinumpirma ni AFP Spokesman Major General Restituto Padilla na isang sundalo ang napatay kanina sa sniper fire sa Marawi City.

Sa ginanap na Mindanao Hour sa Malacañang, kinumpirma rin ni Padilla na mayroon pang apatnapung hostages na hawak ang Maute group sa Marawi City at ang mga nakaligtas na bihag ang nagkumpirma nito.

Nilinaw din ni Padilla na ang labing-pitong mga na-rescue kamakailan ay pawang hostages.


Ayon kay Padilla,may limampu pang matitirang Maute rebels ang patuloy na nakikipagbakbakan ngayon sa mga sundalo.

Nagaganap aniya ang engkuwentro sa pito hanggang walong ektaryang bahagi ng Marawi.

Ayon kay Padilla, ito rin ang dahilan kung bakit hindi nila ma-tantsa kung kailan matatapos ang bakbakan sa Marawi.

Tumataas din aniya ang evacuees ngayon sa Marawi kaya kinakailangan ng pamahalaan na magdagdag ng shelters.

Sinabi pa ni Padilla na may mga tangkang pagdukot ng mga sibilyan sa Marawi pero ito ay napigilan.

Isang daang illegal firearma din aniya ang nabawi ng militar sa Lanao.

Sa ngayon, mino-monitor din aniya ng militar ang galaw ng mga militante sa Maguindanao, Cotabato, at iba pang bahagi ng Lanao.

Facebook Comments