Nueva Ecija – Muling nagkasagupa ang militar at tropa ng New People’s Army o NPA sa bayan ng Pantabangan, lalawigan ng Nueva Ecija kahapon.
Ayon kay Captain Catherine Hapin, tagapagsalita ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, mag-a-alas kuwatro kahapon ng hapon nang mangyari ang engkuwentro sa Kilometer 9, Barangay Malbang Nueva Ecija.
Itinuro aniya ng isang dating rebelde na kinilalang si Joel Abalos Caliwliw alyas Bolding at Joko na dating Vice Commander of Kilusang Larangan Gerilya Caraballo ang kanyang dating kasama ang kinaroroonan ng mga ito at ibinunyag ang kanilang plano sa militar.
Ang grupo aniyang ito ng mga rebelde ang siyang nasa likod ng talamak na pangingikil sa lugar ng Pantabangan sa mahabang panahon.
Dahil dito, natunton ng militar ang lokasyon ng mga rebelde na nagresulta sa tatlumpung minutong bakbakan kung saan, isang sundalo ang nasugatan gayundin ang hindi pa mabilang na rebelled.
Ayon naman kay Major General Filemon Santos, ang Commander ng Army’s 7th Infantry Division, nagpapatuloy ang isinasagawang pursuit and clearing operations sa lugar habang hindi nila tatantanan ang mga rebelde para himukin na magbalik loob na sa Pamahalaan.