Bakuna, at iba pang kritikal na supply kontra COVID-19, hindi dapat patawan ng donor’s tax

Isinulong ni Senator Sonny Angara na huwag patawan ng donor’s tax ang supply ng mga bakuna at iba pang mahahalagang bagay at kagamitan na gagamitin ng bansa sa pakikipagtuos sa COVID-19 pandemic.

Nakapaloob sa Senate Bill 2046 na inihain ni Angara na maging exempted sa donor’s tax ang mga donasyong tulad ng gamot, bakuna, at medical supplies, partikular ang mga gamot para sa COVID-19.

Nais din ni Angara na huwag patawan ng donor’s tax ang mga capital equipment, spare parts at mahahalagang materyal na ginagamit sa produksyon ng Personal Protective Equipment (PPE) components tulad ng coveralls, gowns, surgical masks, goggles at face shields.


Ayon pa kay Angara, sa ilalim ng kanyang panukala ay dapat exempted din sa donor’s tax ang mga donasyong kagamitan para sa waste management, tulad ng waste segregation, storage, collection, sorting, treatment and disposal services.

Diin ni Angara, makatutulong ang hakbang na ito upang mas mapalakas ang laban ng bansa sa pandemya, lalo pa’t malawakan na ang aksyon ng gobyerno at ng mga pribadong sektor sa pagsiguro at pagbili ng mga bakuna.

Base pa sa panukala ni Angara, ang donor’s tax exemption ay epektibo mula Enero 1, 2021 hanggang Disyembre 31, 2023, at natatanging para lamang sa government and private entities at hindi para sa commercial use.

Facebook Comments