Inilunsad sa Dagupan City ang Bakuna Eskwela program, isang school-based immunization drive na naglalayong maprotektahan ang kalusugan ng mga mag-aaral laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Ang inisyatibong ito ay pinagtutulungan ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan upang matiyak na maipagkakaloob ang libreng bakuna sa mga estudyante sa loob mismo ng kanilang paaralan.
Kabilang sa mga ibinibigay na bakuna ang Measles-Rubella (MR) at Tetanus-Diphtheria (TD) para sa mga Grade 1 at Grade 7 students, habang ang Human Papilloma Virus (HPV) vaccine naman ay para sa mga babaeng mag-aaral sa Grade 4.
Layunin ng programa na mapalawak ang saklaw ng pagbabakuna, mapababa ang bilang ng mga nagkakasakit na bata, at mapanatili ang ligtas na kapaligiran sa mga paaralan.
Ayon sa City Health Office, ang Bakuna Eskwela ay bahagi ng pagpapatibay ng kampanya sa kalusugan ng lungsod upang matiyak ang kaligtasan at kagalingan ng mga batang Dagupeño.









