Ipinaalala ni House Committee on Labor and Employment Chairman Enrico Pineda na hindi pwedeng ipilit ang pagpapabakuna ng COVID-19 vaccine sa mga tao.
Kasabay ito ng pagtutol ng kongresista sa polisiya ng ilang mga negosyo na gawing pre-requisite sa pagbabalik trabaho ang pagiging fully vaccinated.
Iginiit ng kongresista na ang pag-oobliga sa mga empleyado na mabakunahan muna bago makabalik sa trabaho ay isang malaking pagkakamali.
Ang paghihigpit sa mga manggagawa dahil sa “choice” o pinili nitong hindi magpabakuna ay paglabag sa kanilang karapatang makapamili at makapagdesisyon.
Paalala pa ng mambabatas, dapat irespeto ng mga pribadong establisyimento kung ang isang empleyado ay hindi nagpabakuna kahit ano pa ang dahilan nito.
Hindi rin aniya dapat itrato ang mga ito na iba pero dapat matiyak ng mga negosyo na nasusunod ng lahat ng mga empleyado ang mga safety protocols.