Inihayag ni Vaccine Czar at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na magiging available na ang bakuna kontra COVID-19 sa katapusan ng taong 2021 o sa simula ng 2022.
Ayon kay Galvez, aabutin ng hanggang anim na buwan ang gagawin nilang pagpaplano at paghahanda para sa implementasyon ng COVID-19 vaccination kung saan magiging hamon para sa kanila ang maka-secure ng mga bakuna lalo na’t maraming mayayamang bansa ang nag-aagawan dito.
Sinabi pa in Galvez na maaaring sa buwan ng Mayo o Hulyo sa susunod na taon ay magiging available na ang bakuna na COVAX at nagkakaroon na rin ng pag-uusap para makakuha na nito.
Gayunman, aminado si Galvez na sa katapusan pa ng taong 2021 o sa simula ng 2022 darating ang bulto-bultong bakuna.
Dagdag pa ni Galvez, may mga eksperto na gagabay at tutulong sa kanila para makakuha ng ligtas at dekalidad na bakuna gayundin sa pamamahagi nito habang kailangan din ang suporta ng mga Local Governments Unit (LGU) at ng pribadong sektor.
Aniya, kailangan din ang kooperasyon ng bawat mamamayan at maiging sumunod sa ipinapatupad na minimum health protocols at huwag maging kumpiyansa lalo na’t wala pa rin bakuna kontra COVID-19.