Posibleng sa Marso ay sisimulan na ang pagtuturok ng bakuna kontra COVID- 19 dito sa Pilipinas.
Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Usec. Eric Domingo ito ay makaraang magbigay ng go signal si Pangulong Rodrigo Duterte sa FDA sa paggamit ng Emergency Use Authorization (EUA) sa COVID-19 vaccines.
Ani Domingo, kapag may EUA na kasi ang isang bakuna mula sa bansang pinagmulan nito ay mas magiging madali na ang proseso nito pagdating dito sa Pilipinas.
Ang may bakuna na may EUA na ay ang Sinovac at Sinopharm ng China, Pfizer ng Amerika at posibleng magka -EUA na rin sa mga susunod na linggo ang Moderna na mula rin sa Estados Unidos.
Paliwanag ni Domingo, kapag nag-apply na ang mga pharmaceutical companies na ito sa bansa at kapag naibigay nila ang mga hinihinging requirements at scientific data ng vaccine expert panel ay sa loob lamang ng 21 hanggang 28 days ay lalabas na ang desisyon kung mapagkakalooban sila ng EUA.
Sa oras aniya na mapagkalooban ang alinmang vaccine maker ng EUA ay posibleng sa unang quarter ng 2021 ay magamit na ang mga bakuna kontra COVID-19 dito sa Pilipinas.