Bakuna ng Sinovac, dapat pa ring dumaan sa proseso kahit donasyon lang – Robredo

Nakiisa si Vice President Leni Robredo sa panawagan ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) na idaan muna sa review ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang bakuna ng Sinovac bago ito ipamahagi.

Ito ay makaraang makakuha ang Sinovac ng 95% disapproval rate para magamit sa mga healthcare workers ng Philippine General Hospital (PGH) dahil sa mababa nitong efficacy rate.

Ayon kay Robredo, dapat na dumaan din sa prosesong dinaanan ng Pfizer BioNTech at Astrazeneca ang Chinese-made vaccine para makasigurong protektado ang mga mababakunahan nito.


Bukod kasi sa Emergency Use Authorization (EUA), nabatid na nabigyan din ang Pfizer at Astrazeneca ng positive recommendation ng HTAC habang wala pa itong rekomendasyon para sa Sinovac.

Giit ni Robredo, hindi porket donasyon ang Sinovac vaccines ay exempted na ito sa pagsusuri ng HTAC.

“Ako mismo, hindi ko binibili yung ganong argument na dahil donated hindi na kailangan ng positive recommendation ng HTAC. Kasi, donated man yan o bibilhin natin, kailangan nating proteksyunan yung ating mga kababayan. Hindi naman sinasabing masama yung Sinovac o whatever pero ang sinasabi lang, mag-go through naman sana sa proseso para siguradong protected tayo,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

Ayon pa sa bise presidente, mas mahihirapan ang pamahalaan na mahikayat magpabakuna ang publiko kung iba-iba ng sinasabi ng mga ahensya ng gobyerno.

Matatandaang hindi inirekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) ang Sinovac para sa mga healthcare workers dahil 50.4% lang ang efficacy rate nito habang sinabi ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) na pwede itong magamit sa kanila.

Aniya, makakabalik lang sa normal ang lahat kapag naabot ng bansa ang herd immunity.

“Kailangan nating i-kampanya na magpaturok. Kasi makakabalik lang tayo talaga sa normal ‘pag na-reach na natin yung herd immunity e ‘pag maraming walang bakuna, mahirap, parati tayong ganito. Kaya nga gusto natin as soon as possible, ma-reach na natin yung herd immunity para yung ekonomiya natin tunay na mabuksan na,” saad niya.

“Pero hindi nakakatulong na, FDA iba sinasabi dito sa NITAG, yung HTAC, hindi siya daraanan. Lalong nakakadagdag siya sa pagduda.”

Facebook Comments