Bakunang bibilhin ng gobyerno, nakadepende sa cold storage capability ng bansa ayon sa DOH

Nakadepende sa cold storage capability ng bansa ang brand ng COVID-19 vaccines na bibilhin ng gobyerno.

Pahayag ito ng Department of Health (DOH) kasunod ng mga ulat na tumatagal lang ng tatlo hanggang anim na buwan ang effectivity ng bakuna.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na dapat masunod ang required cold storage temperature ng mga bakuna para hindi maapektuhan ang bisa nito.


“Iba-iba ‘yan e, depende ‘yan sa cold storage temperature. Halimbawa ang Pfizer, alam ko parang -70° to -80°. Kapag hindi mo nasunod ‘yon, ang kanyang effectivity, effectiveness or efficacy, so maaapektuhan, mahirap ‘yon. Syempre, bakit ka naman bibili ng bakuna na kung wala ka namang storage capability na -80° di ba?” ani Duque.

Kasabay nito, sinabi ng kalihim na bukas siya sa umano’y alok ng Pfizer na mag-provide ng cold storage equipment sa bansa pero aalamin muna nila ang presyo nito.

Matatandaang inanunsyo rin ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na nakadepende sa availability ng cold storage facilities ang uri ng bakunang gagamitin sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ayon kay Galvez, posibleng gamitin sa mga lugar na may cold chain facilities ang bakuna na gawa ng Pfizer habang ang AstraZeneca at Sinovac naman ang posibleng gamitin sa mga probinsya at Geographically Isolated and disadvantaged areas (GIDA) na walang pasilidad.

Facebook Comments