Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na ipapahiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Pilipinas sa international stage kapag tuluyang nag-disengage o kumalas ang bansa sa International Criminal Court (ICC).
Bagama’t nag-withdraw na bilang myembro ang Pilipinas ng ICC noon pang 2019, nananatili pa rin ang hurisdiksyon ng dayuhang korte sa mga krimeng nagawa sa bansa bago pa ito umalis bilang miyembro.
Kinukwestyon ngayon ni Hontiveros kung nasaan ang integridad sa mga salita ng pangulo lalo pa’t bumisita ito sa iba’t ibang bansa tulad sa United Nations para manawagan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa international community.
Bukod dito, nangako rin ang pangulo sa kanyang mga paglilibot sa ibang bansa na ilalaban niya ang hustisya at karapatang pantao.
Sa pahayag ng pangulo na kakalas at hindi na makikipag-usap sa ICC matapos ibasura ang apela ng gobyerno na suspendihin ang imbestigasyon sa bansa tungkol sa mga kaso ng pang-aabuso sa drug war, mistula aniyang hindi interesado ang administrasyong Marcos na bigyan ng hustisya ang mga biktima ng kampanya kontra iligal na droga.
Nababahala si Hontiveros na sa huli ay baka matulad lamang ang mga biktima ng ‘war on drugs’ sa napakaraming victim-survivors ng Martial Law.
Aniya pa, sa 6,000 drug-related deaths, tatlong kaso pa lamang dito ang nalutas taliwas sa sinasabi ng gobyerno na gumagana ang justice system ng bansa.