Manila, Philippines – Nagbabala si Magdalo Rep. Gary Alejano sa publiko na delikado ang balak na i-pull out ang pwersa ng militar sa Marawi City sakaling desisyunan ng Korte Suprema na ipatigil ang martial law sa Mindanao.
Giit ni Alejano, nais lamang na ikondisyon ng Pangulong Duterte sa isipan ng publiko na ang presensya ng militar sa Mindanao ay dahil sa martial law at ito ay nakakabahala.
Nais ng Presidente na ipagpalagay ng publiko na ang military operations laban sa Maute group ay dahil sa pinaiiral na batas militar.
Pero, iginiit ng kongresista na ang Pangulo ay namba-bluff lamang o nais papaniwalain ang taumbayan sa kanyang mga sinasabi.
Hindi aniya maaaring itigil ang operasyon laban sa mga terorista dahil lamang sa ipapahinto ang martial law dahil ito ay bahagi na ng tungkulin ng Hukbong Sandatahan may martial law man o wala.