Pangungunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang handover ceremony para sa Balanggiga bells na pormal na isasauli ng Estados Unidos sa Pilipinas ngayong umaga.
Si US Ambassador to the Philippines Sung Yong Kim ang mag ha-hand-over ng mga kampana mula sa US Department of Defense sa DND, na isasagawa ngayong ala-onse ng umaga sa Villamor Airbase.
Una rito ay si Pangulong Rodrigo Duterte sana ang mangunguna sa seremonya pero kahapon ay nabago ang schedule nito.
Ang handover ceremony ay kasunod ng pagdating ng 3 Balanggiga bells mula sa Okinawa Japan, lulan ng isang US military C-130 cargo plane ngayong alas-nueve ng umaga.
Dalawa sa mga kampana ay nanggaling sa F. E. Warren Air Force Base, Cheyenne, Wyoming, habang ang isa ay nagmula sa Camp Red Cloud sa South Korea.
Ang Balanggiga bells ay kinuha bilang “war trophy” ng mga Amerikano pagkatapos ng tinaguriang “Balanggiga Massacre” sa Samar noong September 1901.