Manila, Philippines – Ikinadismaya ng isang opisyal ng National Museum ang aniya ay maanghang na pahayag ng simbahang Katoliko sa Borongan, Eastern Samar kaugnay ng pagtanggi nito sa panukala na iwan sa pambansang museo ang isa sa mga kampana ng Balangiga.
Sinabi ni National Director Jeremy Barns na ang statement ng simbahan sa Samar ay taliwas sa tunay na ugnayan sa pagitan ng mga cultural agency ng gobyerno at ng ilang mga parokya na kanilang tinulungan para mapangalagaan ang mga makasaysayan nilang istruktura.
Aniya, ang lumalalang kalidad ng mga simbahan at simbolo ng simbahang Katoliko sa bansa ay madalas na bunga ng mismong mga opisyal ng simbahan dahil ang mga makasaysayang bagay tulad ng mga kampana ay hinahayaan lamang na maibenta o di kaya ay masira nang dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman.
Masyado aniyang naging maanghang at hindi na kailangan pa sana ang pahayag ng Borongan Diocese lalo pa at mahigpit ang ugnayan ng National Museum sa mga otoridad ng simbahan sa Samar para maitayong muli ang mga simbahan sa Guiuan na nasira noong bagyong Yolanda.
Nilinaw pa ng opisyal na wala silang kinalaman sa resolusyon ni Senador Juan Miguel Zubiri na nagsusulong na maiwan sa pangangalaga ng National Museum ang isa sa mga kampana ng Balangiga.