Sa halip na buong maghapong ibabad sa araw ang mga kabataan, makabubuting kombinasyon ng military drill at disaster preparedness ang ipairal sakaling maipatupad ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Ito ang ipinahayag ni National Youth Commission (NYC) Chairman Usec. Ronald Cardema matapos itong opisyal na humiling kay Pangulong Bongbong Marcos na maglabas ng executive order na naglalayong ibalik ang mandatory ROTC sa lahat ng kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Ayon kay Cardema, hiling niyang tutukan ang disaster preparedness imbes na military drills dahil maraming bagyo ang dumaraan sa Pilipinas kada taon.
Dapat aniyang turuan ang mga kabataan na rumesponde tuwing may kalamidad.
Inihalitulad din ni Cardema ang Pilipinas sa mga bansang Singapore, South Korea at Israel na mandatory ang military training.
Maganda aniyang masimulan na ang mandatory ROTC sa pamamagitan ng executive order habang hinihintay na maipasa ang mga panukalang batas kaugnay nito.