Inihayag ngayon ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na malabong magkaroon ng balasahan sa kanilang tanggapan.
Ito ang nilinaw ni Jimenez matapos magpakalat ng impormasyon ang social media page ng ilang pro-government kung saan nakasaad dito na may mga opisyal umano sa Comelec ang matatanggal sa pwesto.
Sa Twitter post ni Jimenez, sinabi nito na hindi maaaring magkaroon ng balasahan ng opisyal sa kanilang tanggapan lalo na’t ang Comelec ay isang independent constitutional commission.
Giit pa ni Jimenez na maaari lang mawala sa pwesto ang isang opisyal ng Comelec sa pamamagitan ng impeachment pero hindi maaaring gawin ang balasahan sa pwesto.
Bunsod nito, iginiit ni Jimenez na ang mga naturang post ay pawang mga ‘disinformation’ at ginagamit lamang daw ito para sa pamumulitika.