Manila, Philippines – Nagsasagawa rin ang Armed Forces of the Philippines ng rotation o balasahan sa kanilang hanay bilang paghahanda sa gaganaping eleksyon sa susunod na taon.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Chief Of Staff General Carlito Galvez otomatiko ang kanilang ginagawang balasahan upang masigurong hindi magagamit ang mga sundalo ng mga pulitiko sa kanilang pangangandidato.
Aniya mahigpit ang kanyang utos sa mga sundalo na manatiling nonpartisan, at naniniwala aniya siya na propesyunal ang kanya mga tauhan kaya hindi masasangkot ang mga ito sa isyu sa pulitika.
Sa katunayan aniya, maging ang mga civil military operation activities ng AFP ay iniiwasan nilang magamit ng sinumang pulitiko.
Tiniyak rin ni Galvez na mahigpit ang magiging ugnayan ng AFP at PNP para matiyak na magiging payapa at maayos ang gaganaping eleksyon sa susunod na taon.