Subic, Philippines – Nakaambang ang balasahan sa Subic Bay Metropolitan Authority o SBMA matapos na ideklara ng liderato ng Kamara na iligal ang Executive Order 340 na naghihiwalay sa posisyon ng Chairman at ng Administrator.
Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, hindi maaaring pangibabawan ng isang Executive Order ang Republic Act 7227 na nagtatalaga na ang isang SBMA administrator ang siya ring uupong Chairman ng nasabing ahensya.
Paglilinaw ni Alvarez, malinaw na iisa lamang ang dapat na mamuno sa SBMA taliwas sa EO 340 na pinirmahan noon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Magugunitang nag-ugat sa EO 340 ang sigalot sa SBMA matapos magpalabas si SBMA Chairman Martin Diño ng Administrative Order-01 na nag-aalis ng karapatan sa mga director kasabay ng pagbuo ng task force kung saan pawang mga sariling tauhan ng Chairman ang inilagay at ipinwesto.
Umalma dito si SBMA Director Benny Antiporda dahil bukod sa inaalisan ng kapangyarihan ang board ay hindi naman dumaan sa kanilang pag-apruba ang administrative order.
Kaugnay nito ay pina-iimbitahan sa imbestigasyon ng Kongreso sa Huwebes, Hunyo 8, sina Arroyo, Executive Secretary Salvador Medialdea at dating Executive Secretary Alberto Romulo upang bigyang linaw ang nasabing executive order.
DZXL558